Nasa mga bangko pa ang perang inutang ng gobyerno na pambili ng COVID-19 vaccines.

Ito ang sagot ni Finance Secretary Sony Dominguez sa tanong nina Senador Panfilo Lacson at Senadora Risa Hontiveros kung nasaan na ang bilyon-bilyong pisong inutang ng gobyerno sa World Bank at Asian Development Bank.

Sa regular Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Dominguez na nasa nabanggit na mga bangko pa ang pera dahil hindi pa naide-deliver sa bansa ang mga biniling bakuna ng gobyerno.

Sinabi ni Dominguez na hindi hawak ng gobyerno ang pera at kukunin lamang ito kapag magbabayad na sa vaccine manufacturers para hindi magbayad ang gobyerno ng interes.

“Nasa bangko pa kasi we did not withdraw yet kasi we will only withdraw them when we pay. Because why should we hold the money? Kasi babayad tayo ng interes eh,” ani Dominguez.

Sinabi ng kalihim na hanggat hindi nakakarating sa bansa ang mga biniling bakuna ay hindi ilalabas ang perang hiniram sa World Bank at ADB.

“So mientras tanto na hindi pa nadeliver, hindi pa due ang payment, we will keep it in the bank first,” dagdag ni Dominguez.

Hindi maganda sa Presidente ang dating ng tila paghahanap ng dalawang senador sa bilyon bilyong piso umano na pambili ng bakuna kaya inatasan nito si Dominguez na ipaliwanag kung nasaan ang pera.

“They were mentioning billions and billions nasaan na raw? Kindly explain to senator Lacson and Hontiveros so that they may be at least educated on this–along the line,” anang Pangulo kay Dominguez.

The post Saan na ang inutang para sa bakuna? Dominguez sumagot first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/saan-na-ang-inutang-para-sa-bakuna-dominguez-sumagot/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=saan-na-ang-inutang-para-sa-bakuna-dominguez-sumagot)