Hindi na papayagan ang staycation at ang face-to-face na pagsisimba ngayong Semana Santa sa Greater Manila Area hanggang Abril 4.

Sinuspinde ng Department of Tourism ang operasyon ng mga staycation hotel sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal para sa buong panahon ng enhanced community quarantine, o mula Marso 29 hanggang Abril 4, 2021.

Tanging accredited accommodation establishments na nagsisilbing quarantine facilities lang ang papayagang magbukas habang ECQ, dagdag ng DOT.

Samantala, binawi ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagpayag nito sa isang beses sa isang araw na religious gatherings sa panahon ng ECQ sa naturang mga lugar.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Sabado, Marso 27, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng IATF na i-ECQ ang Greater Manila Area, matapos maiulat ang 9,595 bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas sa parehong araw.

Sa ngayon, 118,122 ang bilang ng mga aktibong kaso ng coronavirus sa bansa.

The post Simba, staycation binawi sa NCR Plus first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/simba-staycation-binawi-sa-ncr-plus/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=simba-staycation-binawi-sa-ncr-plus)