Kinumpirma ng pamahalaang panlalawigan ng Oriental Mindoro na hindi dumaan sa screening ng kanilang health office si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Debold Sinas bago mapag-alamang positibo pala siya sa COVID-19.

Paglilinaw nila, nandoon si Provincial Administrator Hubbert Christopher Dolor upang talakayin ang usapin sa Covid vaccine rollout sa kanilang lugar at hindi para salubungin ang hepe.

“Para po sa kaalaman ng lahat, ang presensya po ni Provincial Administrator Hubbert Christopher Dolor sa PNP Mimaropa Regional Headquarters kahapon ay hindi upang salubungin si PNP Chief PGen. Debold Sinas,” sambit nila sa isang Facebook post.

“Si PGen. Debold Sinas ay hindi dumaan sa pier ng Calapan at hindi siya kabilang sa mga na-profile ng mga kawani ng PGOM. Siya ay dumating sa lalawigan lulan ng helicopter at dumiretso sa Regional Headquarters,” dagdag pa nila.

Kaugnay nito, tiniyak ng kanilang pamahalaang panlalawigan ang publiko na nasunod ni Dolor at iba pang opisyal na present sa Headquarters ang mga health protocol na ipinatutupad.

“Ikinalulungkot ng Pamahalaang Panlalawigan ang pangyayaring ito. Subalit, tiniyak ng Pamahalaang Panlalawigan na sa panahong si PA MD Dolor at ang iba pang mga kawani ng PHO ay nasa kampo, siniguro nilang na-observe ang minimum health protocols.”

Nito lamang Huwebes nang kumpirmahin ng PNP chief na nasapul siya ng COVID-19.

BASAHIN: https://tnt.abante.com.ph/pnp-chief-sinas-nagpositibo-sa-covid-19/

The post Sinas ‘pasaway,’ ‘di dumaan sa Covid screening sa Oriental Mindoro – provincial gov. first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sinas-pasaway-di-dumaan-sa-covid-screening-sa-oriental-mindoro-provincial-gov/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=sinas-pasaway-di-dumaan-sa-covid-screening-sa-oriental-mindoro-provincial-gov)