Sa gitna ng lockdown sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan, nanawagan si Senador Francis Pangilinan sa gobyerno na magdeklara ng state of calamity para matulungan ang mga magbababoy na makabawi mula sa pagkalugi bunsod ng epekto ng African swine fever (ASF) at huwag payagang bahain ng pork import ang mga pamilihan.

“Baka mali ang naibigay na impormasyon sa Presidente. Dadapa pa lalo ang ating lokal na pagbababoy pag pinayagan ang mas maraming imported na baboy,” sabi ni Pangilinan

Ginawa ng dating food security secretary ang panawagan matapos hilingin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na dagdagan ang cap sa pork import sa ilalim ng mababang taripa para matugunan ang kakulangan ng suplay nito sa mga pamilihan.

“Sa ngalan ng ating mga magbababoy, nakikiusap po kami na mag-declare ng state of calamity para sa agarang tulong na pondo sa indemnification at dagdag na cash assistance para sa kanila,” ani Pangilinan.

Noong Marso, pinagtibay ng mga senador ang Senate Resolution No. 676 na humikayat sa Department of Agriculture (DA) na irekomenda sa pangulo na magdeklara ng state of national calamity dahil sa matinding epekto ng ASF sa hog industry.

Kung magkakaroon ng deklarasyon, magagamit ang pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund at Quick Response Fund para sa Department of Agriculture (DA) effort na makontrol ang ASF sa bansa. Sa taong 2021, tinatayang P8 bilyon ang kailangang pondo para dito.

Sa nagdaang pagdinig sa Senado sa pagtaas ng presyo ng baboy, nabunyag na kumikita pa ang mga importer ng sa kasaluyang cap sa pork import.

The post State of calamity ang kailangan! Lokal na magbababoy dadapa sa pork importation – Pangilinan first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/state-of-calamity-ang-kailangan-lokal-na-magbababoy-dadapa-sa-pork-importation-pangilinan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=state-of-calamity-ang-kailangan-lokal-na-magbababoy-dadapa-sa-pork-importation-pangilinan)