Nakapagrehistro ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology ng isang volcanic earthquake at limang mga yugto ng volcanic tremor sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras.

Isa hanggang tatlong minuto ang tinagal ng mga pagyanig.

“Samantala, katamtamang pagsingaw, na may taas na 20m, mula sa mga fumaroles o gas vents ang naganap sa Main Crater,” saad pa ng Phivolcs sa 8 a.m. bulletin nito, Marso 3.

Pinaalalahanan ng Institute ang madla na kasalukuyan pa ring nakataas ang Alert Level 1 sa Bulkang Taal.

Sa Alert Level 1 anila, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI.

Kaya naman mariing iminumungkahi ng Phivolcs na “maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang permanent danger zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng main crater at ng Daang Kastila fissure.”

Hinihikayat din ng Institute ang mga lokal na gobyerno na “patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalburoto ang bulkan.”

The post Taal nilindol, niyanig first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/taal-nilindol-niyanig/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=taal-nilindol-niyanig)