Inendorso na ng tanggapan ni House Speaker Lord Allan Velasco ang impeachment complaint na inihain laban kay Supreme Court Associate Justice Marvin Leonen sa House Committee on Rules.

Ang reklamo ay ibinaba sa Rules Committee on Marso 25, ang huling araw ng sesyon bago nag-adjourn ang sesyon ng Kongreso para sa Holy Week break.

Ang endorsement letter ay natanggap ng House Committee on Rules alas-10:05 ng umaga o isang oras matapos magsimula ang sesyon.

Ang Rules Committee ay mayroong tatlong araw upang ibigay ito sa House Committee on Justice na siyang magsasagawa ng pagdinig kung mayroong batayan ang reklamo.

Ang Justice committee naman ay mayroong 60 session day para tapusin ang pagdinig at magdesisyon kung mayroong batayan ang reklamo.

Ang magiging desisyon ng Justice committee ay ipadadala sa plenaryo upang pagbotohan. Kung makakukuha ng one-third ng 300 miyembro ng Kamara de Representantes ay ipadadala ito sa Senado na siyang magsasagawa ng impeachment trial.

Inihain ni Edwin Cordevilla, secretary general ng Filipino League of Advocates For Good Government (FLAGG) ang reklamo noong Disyembre.

Ito ay inendorso ni Ilocos Norte Rep. Angelo Marcos Barba, pinsan ni dating Senator Bongbong Marcos Jr. kaya sumiklab ang espekulasyon na ito ay konektado sa election protest na inihain laban kay Vice President Leni Robredo.

Nais ng kampo ni Marcos na mag-inhibit si Leonen sa vice presidential electoral protest dahil mayroon umano itong bias laban sa mga Marcos batay sa kanyang mga naging desisyon sa nakaraan.

Si Leonen ay itinalaga ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III, na sumuporta naman kay Robredo noong 2016 elections.

Inireklamo si Leonen dahil sa pagkabigo umano nito na tapusin ang maraming kaso sa kanyang sala sa loob ng 24 na buwan. Siya ay inakusahan din na nagpapabagal sa paglalabas ng desisyon sa mga kaso na nakabinbin sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET).

Si Leonen ay inakusahan na nabigong maghain ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) noong nagtatrabaho pa sa University of the Philippines.

The post Velasco inendorso na pagsibak kay Leonen sa Korte Suprema first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/velasco-inendorso-na-pagsibak-kay-leonen-sa-korte-suprema/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=velasco-inendorso-na-pagsibak-kay-leonen-sa-korte-suprema)