Hinimok ni Senador Joel Villanueva ang gobyerno na irekonsidera ang pagbabawal sa pagpapauwi ng mga Pilipino mula sa labas ng bansa dahil unti-unting nauubos ang kanilang ipon para sa kanilang pamilya habang sila ay stranded sa ibayong-dagat.

Magugunitang dahil sa mabilis na pagdami ng mga kaso ng coronavirus sa bansa, pansamantalang sinuspinde ng Pilipinas ang pagpasok ng mga dayuhan at mga Pilipino na hindi overseas Filipino worker (OFW).

“Bawat Pilipinong nawalan ng trabaho, na unti-unting nauubos ang kanilang sahod at savings, at huling nakapiling ang kanilang pamilya sa matagal na panahon ay masasabi nating nasa distress o kagipitan,” sabi ni Villanueva.

“Huwag po natin antaying magkalkal sila ng mga basura para makakain o mamalimos sa tabi-tabi,” saad pa nito.

Ginawa ni Villanueva, chairman ng Senate labor committee, kailangan mapauwi na ang mga stranded OFWs lalo na’t undermanned at underfunded pa ang mga overseas office ng gobyerno sa ibang bansa.

“Huwag na po natin paramihin ang OFWs – Overseas Filipinos Waiting for a flight home. Kung ano man ang naipundar o naitabi nilang pera, unti-unti itong maglalaho sa bawat minutong hindi sila makauwi ng Pilipinas,” sabi nito.

Iginiit ni Villanueva ang kahalagahan ng pagsunod sa mga quarantine protocol upang siguruhin na walang COVID-positive na indibidwal na makakalusot at makakahawa sa kanilang mga hometown.

Dapat din aniyang ipagpatuloy ang maayos na contact tracing upang matukoy ang mga contacts na nagkaroon ng exposure sa mga COVID patients.

“Nauunawaan natin ang panganib at hawaan na dulot ng COVID, ngunit sa tingin natin, hindi po tamang solusyon dito ang pagbabawal sa mga Pilipinong nasa ibayong-dagat na makauwi sa kanilang mga pamilya,” ani Villanueva.

“Kailangan lang po natin ipatupad ang mga tried-and-tested na mga hakbang: mahigpit na quarantine requirement, epektibong contact tracing, at mabilis na roll-out ng bakuna,” dagdag pa nito.

The post Villanueva: Mga Pinoy mula abroad ‘wag pigilang umuwi first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/villanueva-mga-pinoy-mula-abroad-wag-pigilang-umuwi/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=villanueva-mga-pinoy-mula-abroad-wag-pigilang-umuwi)