Binanatan na naman ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo kaugnay sa isyu ng bakuna.

Sa kanyang lingguhang “talk to the people,” sinabi ng Pangulo na nais lamang siyang hulihin ni VP Leni kung nakapagpabakuna na ito kaya panay ang ingay tungkol sa bakuna.

Hindi aniya naisip ng bise-Presidente na hindi siya qualified para mapabilang sa prayoridad dahil lampas 70 na ang edad nito.

“Eh masyado kang apurado. Sa protocol nga we are not even considered as those needing…mahirap kasi yang ano mo, you are baiting me. Alam mo kung bakit? Nagdududa ka kasi na nagpabakuna na ako kasama ng mga sundalo kaya panay ang tikoy-tikoy mo, sige magsalita ka,” anang Pangulo.

Pinuna ni Pangulong Duterte ang aniya ay madalas na pag-iisyu ng mga pahayag ni VP Leni dahil gusto nitong ipakita sa publiko na mayroon itong silbi pero ang katotohanan ay wala naman itong ginagawa.

“Ikaw sige ka lang salita wala na ka namang ginagawa, sige ka issue-issue ng statement. Do you know what? Because you want to be relevant here. Gusto mong sumali sa laro na para mapakinggan ka rin,” dagdag ng Pangulo.

Ikinainis rin ni Pangulong Duterte ang naging pahayag ni VP Leni na kulelat na ang Pilipinas sa bakuna dahil napag-iwanan na ng mga bansa sa Asya.

Sinabi ng Presidente na may kakapusan ng supply ngayon ng bakuna aa buong mundo, at kung gusto aniya ng Bise-Presidente ay bibigyan niya ito ng pera at siya ang bumili ng mga bakuna sa labas ng bansa.

“Kung gusto mo talaga para mahinto ka, kunin mo yong basket mo, mamalengke ka doon sa labas ng bakuna. Bigyan kita pera para kung may mabili ka, bilhin mo na kaagad at umuwi ka dito sa Pilipinas. Ibigay mo doon sa mga duktor,” wika ng Pangulo.

The post VP Leni kaya nag-iingay para maging relevant – Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/vp-leni-kaya-nag-iingay-para-maging-relevant-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=vp-leni-kaya-nag-iingay-para-maging-relevant-duterte)