Kailangang tulungang makarekober ang maliliit na negosyo o ang micro, small, and medium enterprises (MSME) na apektado ng COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng pagpapasimple ng proseso at pagbabawas ng transaction cost, tulad ng pag-alis ng ilang buwis, upang mahikayat silang mangutang para umusbong uli ang kanilang operasyon.

Ito ang layon ng panukalang batas na Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery o GUIDE, na tinatalakay ngayon ng Senate Subcommittee on Banks, Financial Institutions and Currencies na pinamumunuan ni Senador Win Gatchalian.

Ayon sa senador, mas mapapadali na aniya para sa MSMEs ang mangutang sa government banks tulad ng Land Bank of the Philippines (LDP) at Development Bank of the Philippines (DBP).

“Sa oras na inalis na ang stamp tax, capital gains tax, creditable withholding income tax, value-added tax, gross receipts tax at iba pa, na karaniwang binabayaran ng borrowers, mapapagaan na para sa kanila ang mangutang dahil mababawasan na angbabayaran nila,” sabi ni Gatchalian.

“Umaasa rin ako na sa pamamamagitan ng GUIDE, mapapabilis ang proseso ng pangungutang na kadalasan ay inaabot ng siyam-siyam,” dagdag nito.

Ayon kay Gatchalian, nakapagtala ng luging P1.5 trilyon ang ekonomiya ng bansa o humigit- kumulang na 9.5 porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP) noong nakaraang taon.

Kulang-kulang na tatlong milyong Pilipino aniya ang nawalan ng trabaho nuong katapusan ng 2020.

Nauna nang sinabi ng Landbank na mayroong 58,000 na MSMEs at 1.2 million na trabaho ang maaaring maisalba kapag naisabatas ang naturang panukala.

Sabi pa ni Gatchalian, ang GUIDE bill ay dagdag na tulong sa mga maliliit na negosyo
matapos maipatupad ang Bayanihan 1 at 2 mula noong nakaraang taon.

The post Win: Maliliit na negosyo makakabangon sa GUIDE bill first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/win-maliliit-na-negosyo-makakabangon-sa-guide-bill/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=win-maliliit-na-negosyo-makakabangon-sa-guide-bill)