Dapat maghigpit ang local government units (LGUs) pagdating sa lockdown at pagsasailalim sa quarantine ng mga taong nahawa sa novel coronavirus disease.

Ito ang sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian kasunod ng patuloy ng pagsirit ng kaso ng COVID-19 kung saan nakapagtala na halos walong libong kaso noong Sabado.

“Sobrang halaga ang papel ng lokal na pamahalaan dito, dapat ang national ay nagbibigay lang ng guidelines at direksyon pero ang implementation ay local government,” pahayag ni Gatchalian sa panayam sa DZRH.

“At nakita ko talagang napakaingat na pagbalanse ang gagawin natin dito kaya itong pagtaas ng surge ang nakikita kong solusyon ay dapat mahigpit ang ating lokal na pamahalaan pagdating sa lockdown, pagdating sa quarantine,” dagdag pa nito.

Inihalimbawa ni Gatchalian ang patakaran sa Valenzuela City kung saan hindi pinapayagan ang pamahalaang lungsod ang home quarantine at lahat ay inilalagay sa isang centralized quarantine facility o isolation facility.

“Dahil natuklasan namin na nagkakaroon ng hawahan sa bahay, yung hawaan ngayon, pamilya-pamilya, sampung tao sa isang pamilya, dose na tao sa isang pamilya kaya dapat maputol natin iyan,” sabi ni Gatchalian.

“Kaya isa sa mga rekomendasyon ho natin ay wag nang payagan yung home quarantine, ilagay na sa isang central quarantine facility,” dagdag pa ng dating mayor ng Valenzuela.

Dahil hindi naman umano pinapayagan ang nationwide lockdown,sinabi nitong dapat higpitan ang pagpapatupad ng localized lockdown.

“At pangalawa yung lockdown, dahil hindi nga natin pwedeng gawin na nationwide lockdown masakit to para sa ating ekonomiya, yung localized lockdown eh higpitan,” ani Gatchalian.

“Ibig sabihin talagang walang lalabas at yung pagkain at tulong ang papasok sa bahay dahil yan rin po ay isang sanhi ng pagkalat, yung galawan ng tao sa kanilang barangay,” sambit pa nito.

The post Win sa LGUs: Maghigpit sa lockdown, quarantine first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/win-sa-lgus-maghigpit-sa-lockdown-quarantine/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=win-sa-lgus-maghigpit-sa-lockdown-quarantine)