Mahigit isang taon bago ang eleksyon, lumipat sa Lakas-Christian Muslim Democrats sina Bacoor Mayor Lani Mercado Revilla, Davao de Oro Rep. Manuel Zamora at 15 iba pang politiko.

Pinangunahan ni Lakas-CMD President at House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez ang virtual oath taking ng mga bagong miyembro noong Miyerkoles.

“Our focus now is to use the party’s strength to help our people in this time of COVID-19 pandemic,” ani Romualdez, chairman ng House Committee on Rules.

Ayon kay Romualdez patuloy itong makikipag-ugnayan kay Speaker Lord Allan Velasco upang maaprubahan ang mga nalalabing panukalang batas na kailangan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mapangasiwaan ang bansa.

Si Revilla ay umalis mula sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban). Siya ay itinalaga rin bilang lider ng Lakas-CMD sa Cavite.

Nanatili naman si Zamora bilang miyembro ng regional party na Hugpong ng Pagbabago (HNP) na pinamumunuan ni Davao City Mayor Sara Duterte. Si Zamora ay itinalaga rin bilang lider ng partido sa Davao de Oro.

Ang iba pang nanumpa bilang miyembro ng Lakas ay sina dating Occidental Mindoro Rep. Amelita Villarosa; dating Batanes Rep. Carlo Oliver Diasnes; Glan, Sarangani Mayor Vivien Yap; Antique Board Member Emmanuel Palacios Jr.; dating Buluan, Maguindanao Mayor Ibrahim Mangudadatu; Aklan Board Member Nelson Santamaria; Sittie Aminah Quibranza Dimaporo ng Lanao del Norte; Cotabato Board Member Shirlyn Macasarte-Villanueva; Aurora Board Member Philip Bautista; Anthony Wooden ng Mountain Province; retired Police Col. Ronald Joseph Ocaya ng Zamboanga del Norte; Passi City, Iloilo Vice Mayor Jesry Palmares; Nueva Valencia, Guimaras Mayor Emmanuel Galila, Ma. Alana Samantha TaliƱo Santos na itinalagang lider ng partido sa Region 12 at Councilor Ralph Ryan Rafael na itinalagang chairman ng Lakas sa Third District ng Cotabato.

Sa kasalukuyan, ang Lakas-CMD ay mayroong 26 na miyembro sa Kamara de Representantes at 22 kaalyadong party-list representatives.

The post 17 politiko lumipat sa Lakas-CMD first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/17-politiko-lumipat-sa-lakas-cmd/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=17-politiko-lumipat-sa-lakas-cmd)