Nagboluntaryo ang Philippine Airlines at Cebu Pacific na kunin sa Russia ang 15,000 doses ng COVID-19 vaccine na Sputnik V.

Ito ay matapos maudlot ng dalawang beses ang pagdating ng bakuna sa bansa dahil walang direct flight mula sa Russia at kailangang daan pa a mga bakuna sa Doha,Qatar.

Sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People na gagawing direct flight ng PAL o kaya ay Cebu Pacific ang biyahe sa Russia para hindi makompromiso ang bisa ng bakuna na nangangailangan ng below 20 degrees temperature.

“Nagpapasalamat kami sa Philippine Airlines at Cebu Pacific kasi magbo-volunteer po sila ng direct flight sa Moscow puwede po nating kunin ng 12 hours yung long haul,” ani Galvez.

Tiniyak ng kalihim kay Pangulong Duterte na lulutasin nila ang logistical problem para makarating sa bansa ang mga bakunang binili mula sa Russia.

“Mr. President, we will make sure that we will solve the logistical problem. We will solve together po,” dagdag ni Galvez.

Nakatakda sanang dumating noong Miyerkules ang 15,000 na bakuna mula sa Russia subalit hindi natuloy dahil may stop-over pa ito sa Middle East at pinangangambahang makompromiso ang bisa ng mga bakuna dahil sa matagal na biyahe.

The post 2 airlines handa sunduin Russian bakuna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/2-airlines-handa-sunduin-russian-bakuna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=2-airlines-handa-sunduin-russian-bakuna)