Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, naitala ang 216 volcanic earthquakes sa Bulkang Taal simula Sabado ng umaga.

Kabilang dito ang 177 volcanic tremors na tumagal nang mula isa hanggang 32 minuto, 39 low frequency na lindol, at low-level background tremor na mula pa Abril 8 ng umaga, saad pa ng Phivolcs sa kanilang Abril 11 bulletin.

Naitala rin ang “sobrang hinang” pagsingaw na umabot sa limang metro ang taas, ang pagbuga ng sulfur dioxide, at “sobrang bagal” at patuloy na pamamaga ng kalakhang Taal.

Paalala ng ahensya, kasalukuyan pa ring nakataas ang Alert Level 2 sa Taal Volcano.

Sa nasabing alert status, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI.

Mariing iminumungkahi ng Phivolcs na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal.

The post 216 lindol umuga sa Taal first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/216-lindol-umuga-sa-taal/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=216-lindol-umuga-sa-taal)