Posibleng magkaroon ng ikalawang bugso ng African swine fever (ASF) sa Pilipinas kapag itinuloy ang ‘tidal wave’ sa importasyon ng karne ng baboy.

Ito ang pangamba ni Senadora Risa Hontiveros kaya’t dapat maghanda ang Department of Agriculture (DA) dahil posibleng matulad ito gaya nang nangyari sa COVID-19 kung saan nagkaroon din ng second wave.

“Sa kabilang banda, dapat mag-alala at maghanda si Sec. Dar. Kapag itinuloy ang tidal wave ng imports, hindi malabong gaya ng sa COVID-19, magkakaroon din ng second surge ng African Swine Fever (ASF) sa mga baboy,” pahayag ni Hontiveros sa kanyang mensahe sa ABANTE>

At kung mangyari aniya ito, ani Hontiveros, posibleng tuluyan nang bumagsak ang local hog industry sa bansa.

“Maaaring mas malala pa ito kaysa sa nangyari noong 2020. Baka tuluyan nang ma-wipe out ang ating lokal na industriya dahil pinayagan ang imports pero bigong maitayo ang First Border Inspection facilities, na 2019 pa lang ay may budget allocation na,” sabi pa ng senador.

Ayon pa kay Hontiveros, bagama’t pinahihintulan ng Executive Order 128 ang pag-aangkat ng baboy, may kapangyarihan umano ang DA na hindi mag-isyu ng dagdag na import licese na sa tingin nila’y makakaapekto sa mga lokal na magbababoy.

“There’s no room for recklessness. Kahit na pinapahintulutan ng Executive Order 128 ang pag-iimport, may kapangyarihan ang DA na hindi mag-issue ng dagdag na import licenses kung sa tingin nito ay labis ang magiging dagok sa ating magbabababoy,” ani Hontiveros.

Samantala, sinuportahan ni Hontvieros ang paghahain ng kaso ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) laban kay Secretary Dar dahil sa pagkabigo nitong ipatupad ang food safety regulation ng bansa.

“Kaparatan ng SINAG na dumulog sa korte kung sa tingin nito ay nasagasaan ang kanilang karapatan dahil sa hindi pagpapatupad ng batas. Umaasa akong ang hudikatura ay kikiling sa ating mga hog-raisers, chicken producers at fisherfolk,” sabi ng senadora.

Inihain ng grupo ni So ang kasi sa Office of the Ombudsman noong Abril 23 dahil sa patuloy na pagkabigo umano ni Dar na ipaimplementa ang food safety standards and regulations sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 10611 o Food Safety Act.

The post ‘2nd wave’ ng ASF posible – Hontiveros first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/2nd-wave-ng-asf-posible-hontiveros/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=2nd-wave-ng-asf-posible-hontiveros)