Tatlong indibidwal ang nasugatan habang 500 pamilya naman ang naapektuhan sa sunog sa isang residential area sa Bacoor City, Cavite kahapon.

Sa Facebook, pinakita ni Mayor Lani Mercado-Revilla ang larawan ng mga naabong tahanan.

Binanggit din niyang nangyari ang sunog sa Sitio Tibag sa Barangay Panapaan III.

Umakyat ang apoy sa unang alarma bandang 1:25 ng hapon, Abril 13. Umabot pa ito sa ikatlong alarma bago tuluyang naapula, alas-3:57 ng hapon.

“Nagtulong-tulong ang 3 fire trucks mula sa BFP (Bureau of Fire Protection), 15 fire trucks mula sa mga karatig lungsod at munisipalidad, at 39 volunteer fire trucks upang maapula ang sunog,” wika ng actress-politician.

“May tatlong nagkaroon ng minor injuries na agad natulungan ng mga emergency medical services team. Tinatantyang 100 bahay at 500 pamilya ang naapektuhan,” dagdag niya.

Naihatid na aniya ang mga nasunugang mamamayan sa Gov. P.F. Espiritu Elementary School.

The post 3 sugatan, 500 pamilya apektado sa sunog sa Bacoor first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/3-sugatan-500-pamilya-apektado-sa-sunog-sa-bacoor1/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=3-sugatan-500-pamilya-apektado-sa-sunog-sa-bacoor1)