Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, naitala ang 37 volcanic earthquakes sa Bulkang Taal simula Huwebes ng umaga.

Kabilang anila rito ang 26 low frequency volcanic earthquakes, isang volcanic tremor na tumagal nang dalawang minuto, at low-level background tremor na naitala simula Abril 8 ng umaga.

“Samantala, may naganap na upwelling sa main crater kagabi at ngayong umaga na nagkaroon ng pagsingaw, na may taas na 600 metro,” saad pa ng Phivolcs sa kanilang Abril 30 bulletin.

Bukod sa mga ito, naitala rin ang pagbuga kahapon ng sulfur dioxide na humigit-kumulang 1,452 tonelada kada araw at ang “marahan na pamamaga” ng kalakhang Taal magmula pa nang sumabog ito noong Enero 2020.

Ang Alert Level 2 ay kasalukuyan pa ring nakataas sa Taal Volcano.

Pinaalalahanan ng Phivolcs ang madla na sa nasabing alert status, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay posibleng biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island.

“Mariing iminumungkahi ng DOST-Phivolcs na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang permanent danger zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng main crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal,” banggit ng ahensya.

“Ang mga lokal na pamahalaan ay hinihikayat na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalburoto ang bulkan,” dagdag nila.

The post 37 lindol umuga sa Taal Volcano first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/37-lindol-umuga-sa-taal-volcano/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=37-lindol-umuga-sa-taal-volcano)