Apat na pasahero mula Taguig City ang hinarang sa pagbiyahe patungong Mindanao matapos nilang magsumite ng pekeng COVID-19 test result sa Ninoy Aquino International Airport.

Kinilala ang mga pasahero na sina Nuraina Husbani, 28; Miko Aski, 19; Laila Sahang Muksan, 27; at Mariam Akmad, 24, pawang mga residente ng Lower Bicutan, Taguig.

Sabi ni PNP Aviation Security Group-NCR chief Christian Melchor, nagpresenta ang apat ng pekeng negatibong swab test result na galing umano sa Philippine Red Cross.

Napaulat na papunta sanang Zamboanga sina Husbani at Aski nang harangin sila sa airport alas-9:30 ng umaga noong Abril 3, habang alas-4:30 naman ng hapon sina Muksan at Akmad na patungo dapat ng Cotabato.

Ayon kay Melchor, napag-alamang peke ang test results matapos makita ang discrepancy sa QR code ng mga ito noong check in.

Pinunto rin ng PRC na hindi nagpa-test ang apat sa alinmang testing facility nila, at na hindi galing sa kanila ang mga prinesentang dokumento.

Sabi naman ng mga pasahero, nagbayad sila ng P3,000 sa isang tao para sa pekeng test results.

The post 4 patungong Mindanao pineke test result, hinarang sa airport first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/4-patungong-mindanao-pineke-test-result-hinarang-sa-airport/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=4-patungong-mindanao-pineke-test-result-hinarang-sa-airport)