Naitala ang 40 volcanic earthquakes sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Kabilang anila rito ang 29 low frequency na mga lindol, at 11 volcanic tremors na tumagal nang isa hanggang 16 minuto.

Batay pa sa Abril 4 bulletin ng Phivolcs, nakapagtala rin ng mahinang pagsingaw, pagbuga ng sulfur dioxide, at marahan at patuloy na pamamaga sa Taal Volcano.

Paalala ng ahensiya, kasalukuyan pa ring nakataas ang Alert Level 2 sa nasabing bulkan.

“Pinaalalahanan ng DOST-Phivolcs ang madla na sa Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI,” lahad ng Institute.

“Mariing iminumungkahi ng DOST-Phivolcs na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang permanent danger zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng main crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal,” dagdag nila.

The post 40 lindol umuga sa Taal Volcano first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/40-lindol-umuga-sa-taal-volcano/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=40-lindol-umuga-sa-taal-volcano)