Naitala ang 51 volcanic earthquakes sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Kabilang umano rito ang 43 volcanic tremors, walong low frequency na mga lindol, at low-level background tremor na mula pa Abril 8 ng umaga.

Ayon din sa Abril 18 bulletin ng Phivolcs, nakapagtala ng mahinang pagsingaw, pagbuga ng sulfur dioxide, at marahan na pamamaga ng Taal Volcano.

Kasalukuyan pa ring nakataas ang Alert Level 2 sa nasabing bulkan.

“Pinaalalahanan ng DOST-Phivolcs ang madla na sa Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI,” lahad ng ahensya.

“Mariing iminumungkahi ng DOST-Phivolcs na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang permanent danger zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng main crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal,” dagdag nito.

The post 51 lindol umuga sa Taal Volcano first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/51-lindol-umuga-sa-taal-volcano/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=51-lindol-umuga-sa-taal-volcano)