Naitala ang 59 volcanic earthquakes sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras.

Kabilang dito ang 52 volcanic tremors na tumagal nang isa hanggang 16 minuto at pitong low frequency na lindol, ayon pa sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, Abril 12.

Nakapagtala rin anila sa Taal ng low-level background tremor mula Abril 8 ng umaga, mahinang pagsingaw na umabot sa 40 metro ang taas, pagbuga ng sulfur dioxide, at marahan na pamamaga mula nang sumabog ito noong Enero 2020.

Pinaalalahanan din ng ahensya ang mga Pilipino na kasalukuyan pa ring nakataas ang Alert Level 2 sa nasabing bulkan.

“Sa Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI,” saad ng Phivolcs.

“Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang permanent danger zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng main crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal,” dagdag nila.

The post 59 lindol umuga sa Taal first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/59-lindol-umuga-sa-taal/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=59-lindol-umuga-sa-taal)