Tinutulan ni Senador Sherwin Gatchalian ang nationwide academic break na isinusulong ng mga Pinoy dahil sa sinasabing hirap na nararanasan ng maraming mag-aaral at guro sa distance learning habang may pandemya.

Ayon kay Gatchalian, ang mga paaralan sa parehong basic at higher education ang dapat magpasya kung kailangang magpatupad o hindi ng academic break.

““Hindi ako sang-ayon sa pagkakaroon ng nationwide academic break. Iba-iba naman ang quarantine qualification at may mga lugar na walang lockdown,” sabi ni Gatchalian.

Sabi pa nito, ang mga mag-aaral na galing sa mga mahihirap na pamilya ang labis na maaapektuhan kung muling maantala ang kanilang edukasyon.

Babala ni Gatchalian, maaari pang lumala ang mga epektong dulot ng matagal na pagsasara ng mga paaralan katulad ng pag-urong ng kaalaman, kawalan ng pagkakapantay-pantay, at mas mataas na panganib ng karahasan sa mga kabataan.

“Mahirap naman pong mag-academic freeze sa isang lugar na walang kaso ng COVID-19. Kaya hindi pwede itong academic freeze para sa pangkalahatan dahil iba-iba ang sitwasyon,” ani Gatchalian.

“Sa basic education, isang taon nang hindi nagpupunta sa mga eskwelahan ang mga bata at kapag sila ay patuloy na bibigyan ng break at hindi sila mag-aaral, talagang makakalimutan na nila ang kanilang pinag-aralan,” dagdag pa nito.

Sinuspinde muna ng Department of Education (DepEd) ang pagpapamahagi ng self-learning modules at mga face-to-face activities sa Isabela, na kasalukuyang nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ), kasunod ng pagkamatay ng limang DepEd personnel dahil sa COVID-19.

Inaasahan namang ipagpapatuloy ng mga guro ang remote na pag-follow up at pag-monitor sa mga mag-aaral.

Samantala, ilang mga kolehiyo at unibersidad na nasa ‘NCR Plus’ ay nagsuspindi rin ng kanilang klase kasunod ng tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19. Kabilang sa mga eskwelahan na ito ang University of Santo Tomas, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Cavite State University, at De La Salle University.

The post Academic break kinontra ni Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/academic-break-kinontra-ni-gatchalian/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=academic-break-kinontra-ni-gatchalian)