Iminungkahi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na gamitin na lang ang pondo para sa anti-insurgency at intelligence na nakapaloob sa 2021 national budget sa mga programa sa ilalim ng panukalang pangatlong Bayanihan Law.

Ginawa ni Drilon ang apela kasabay ng panawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag ng special session sa Kongreso para agad na maipasa ang Bayanihan 3 na magbibigay ng tulong sa mga indibidwal na naapektuhan ng pinahigpit COVID-19 protocol.

Katuwiran nito, hindi naman masyado kailangan ang anti-insurgency at intelligence fund sa ilalim ng 2021 budget.

“Ilipat natin ang pera mula doon sa allocated items na hindi kailangan — anti-insurgency fund, intel fund — ilipat muna natin sa ayuda para magkaroon ng tulong ang libo-libong mga manggagawa na nawalan ng income,” pahayag ni Drilon sa panayam sa DZBB.

Ayon pa sa minority leader, bagama’t may kapangyarihan ang pangilo para gumawa ng budgetary realignment kahit wala ang Bayanihan 3, wala pa rin aniyang sapat na pondo para dito.

Sabi ni Drilon, ang panukalang Bayanihan 3 ay magbibigay ng benepisyo hindi lamang sa mga indibidwal kundi maging sa mga naapektuhang negosyo.

“Tulungan natin ang mga negosyo lalo na yung mga maliliit dahilan sila ang nakakapagbigay ng hanapbuhay sa ating mga manggagawa,” sabi ni Drilon.

“Sa ngayon alam ko mahigit sa 400,000 mga small and medium enterprises na nagsara dahil dito, kailangan matulungan din yan. Kaya kailangan natin yung panibagong pondo sa Bayanihan 3,” dagdag pa nito.

The post Anti-insurgency, intel fund gamitin sa Bayanihan 3 – Drilon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/anti-insurgency-intel-fund-gamitin-sa-bayanihan-3-drilon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=anti-insurgency-intel-fund-gamitin-sa-bayanihan-3-drilon)