Dapat umanong ipaliwanag ng Department of Health (DOH) kung ano ang mangyayari sa mga taong naturukan ng unang dose ng AstraZeneca COVID-19 vaccine ngayong inaasahang maaantala ang pagdating ng mga gagamitin sa ikalawang dose.

Ayon kay Anakalusugan Rep. Michael Defensor dumating sa bansa ang 487,200 dose ng AstraZeneca noong Marso 4 at nadagdagan ng 38,400 noong Marso 7 o kabuuang 525,600 doses.

Paliwanag ni Defensor ang inisyal na plano ay bakunahan ang 262,800 health workers at senior citizens ng dalawang dose na may 28 araw na pagitan.

Pero dahil sa tumataas na bilang ng nahahawa ng COVID-19, pinayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang inireserba para sa ikalawang dose para umabot sa 525,600 ang mabigyan ng paunang bakuna.

Kamakailan ay inanunsyo ng World Health Organization (WHO) na made-delay ang pagdating sa bansa ng susunod na batch ng AstraZeneca vaccines.

“If we follow the 28-day dosing interval, they should get their second dose before the end of this month, at the latest. But the second shipment of AstraZeneca is expected to be delivered next month or in June yet because of short supply,” ani Defensor.

Dapat umanong ipaliwanag ng DOH sa publiko partikular sa mga nabigyan ng unang dose ng AstraZeneca kung ano ang mangyayari kung hindi sila mabibigyan ng ikalawang dose kung lalagpas sa 28 na araw.

“Would they still have to receive the booster shot or would they have to repeat the first shot?” tanong ni Defensor. “I am sure this is also the question many of the more than 500,000 healthcare workers and senior citizens who chose the British-Swedish vaccine have in mind.”

The post AstraZeneca made-delay: Paano ang nabigyan ng 1st dose? – Defensor first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/astrazeneca-made-delay-paano-ang-nabigyan-ng-1st-dose-defensor/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=astrazeneca-made-delay-paano-ang-nabigyan-ng-1st-dose-defensor)