Gusto ng Pateros local government na makaiwas sa siksikan at pila na dulot ng pagkuha ng ayuda kaya napagdesisyunan nilang ipamahagi ito sa pamamagitan ng isang online app.

Sabi ni Mayor Ike Ponce, nakita niya ang nangyari sa ibang lungsod na apektado ng enhanced community quarantine — kung saan inuumaga na ang mga nakapila para sa ayuda at madalas na punuan sa covered court — kaya muli silang gagamit ng Starpay, na ginamit na nila noong 2020 para sa pamimigay naman ng social amelioration program.

Pero may bawas ito dahil sa service fee ng nasabing app: kaltas nang P20 kung P1,000 ang makukuhang ayuda ng residente na apektado ng anti-coronavirus lockdown, P30 kung P2,000, P40 kung P3,000, at P50 kung P4,000 ang ayuda ng inyong pamilya.

“Mas makabubuti naman ito kaysa naman tayo’y pumila nang matagal dahil manual ang ating ginagawa po,” ani Ponce, sa isang ulat.

“At wala rin po tayo sa kasalukuyang manpower sa ngayon para gumawa niyan, dahil hanggang ngayon, naka-lockdown pa rin ang ating Treasury Office at marami po sa ating mga manggagawa ang naka-close contact rin sa mga nag-positive [sa COVID-19], kaya talagang kokonti ang personnel,” dagdag niya.

Para makuha ang ayuda, kailangan lang aniyang magpakita ng ID sa mga remittance center tulad ng USSC. Hindi rin aniya sabay-sabay ang araw ng pag-claim sa kada barangay para iwas siksikan.

Ang pamamahagi ng lockdown ayuda sa Pateros ay magsisimula bukas, Abril 12.

The post Ayaw ng pila sa ECQ ayuda, Pateros gagamit ng online app first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ayaw-ng-pila-sa-ecq-ayuda-pateros-gagamit-ng-online-app/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ayaw-ng-pila-sa-ecq-ayuda-pateros-gagamit-ng-online-app)