Nanawagan ang OCTA Research sa publiko, lalo na sa mga residente ng Metro Manila, na huwag lumabas kung hindi kailangan dahil kalat na kalat ang COVID -19.

Sinabi ni Dr. Ranjit Rye na kailangan ang doble -ingat dahil mabilis ang COVID contamination at punong-puno na ang mga hospital dahil sa patuloy na pagtaas ng mga tinatamaan ng COVID-19.

“Kung hindi kailangang lumabas huwag na po lumabas kasi kalat na kalat ang COVID ngayon. Dobleng pag-ingat,punong puno pa ho ang hospital natin,” ani Dr. Rye.

Limang libo araw-araw aniya ang average cases sa National Capital Region kaya dapat na seryosohin ng mga tao ang pag-iingat at makipagtulungan sa gobyerno sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum health standards.

“Meron bang hope? Meron ho kung magtutulungan tayo, magbabayanihan tayo, sumunod sa minimum health standards, we simply make the MECQ work, in the next two to three weeks bababa po lahat yan,” dagdag ni Dr. Rye.

Kaugnay naman sa naging pahayag ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na aasahan ang posibleng pagsirit pa ng COVID cases sa Hunyo o Hulyo, sinabi ni Dr. Rye na hindi pa humuhupa ang COVID surge kaya hindi pa nila naisip ang sinabi ng kalihim.

“We are in the middle of the surge, nasa gitna tayo ng isang matinding surge hanggang ngayon. Hindi pa ho humuhupa yung ating surge ngayon kaya hindi pa namin maisip yung sinabi ni General Galvez,”wika ni Dr. Rye.

Ang nais lamang aniyang ipaintindi ni Secretary Galvez ay dapat na maghanda sa mga surges dahil hindi pa lahat ng Pilipino ay nabakunahan at maaaring matamaan ng COVID ano mang oras.

Para naman aniya sa mga nabakunahan, kailangan pa rin ang pag-iingat dahil hindi superman ang mga ito kapag naturukan na ng COVID vaccine.

The post Babala sa mga taga-NCR: COVID laganap! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/babala-sa-mga-taga-ncr-covid-laganap/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=babala-sa-mga-taga-ncr-covid-laganap)