Nagrereklamo ang ilang barangay health worker (BHW) matapos na ipasoli umano ang bahagi ng natanggap nilang allowance para ibigay sa ibang tauhan ng barangay na wala sa payroll.

Ayon kay BHW party-list Rep. Angelica Natasha Co hindi makatwiran ang “scam” na ito dahil malinaw na nakalaan ang allowance para sa mga BHW.

“Late na ngang natanggap ng BHWs yung Special Risk Allowance at hazard pay, ang gusto pa ng ilang taga MHO at RHU ay isoli ng pobreng BHW yung natanggap nila para partehan daw yung mga tanod at ibang staff sa barangay. Aba’y ilegal yun! Iba ang allowance ng tanod at staff, iba ang allowance na para sa BHWs,” ani Co.

Hiningi ni Co ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI), Department of Health (DOH), at Department of Interior and Local Government (DILG) upang maimbestigahan ang hindi umano makatwirang gawain ng mga Municipal Health Office (MHO) at Rural Health Unit (RHU).

Ayon kay Co kinilala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahalagahan ng mga BHW sa paglaban sa COVID-19. At bilang tulong ay nilagdaan nito ang Administrative Order 28 na nagbibigay ng Special Risk Allowance sa mga BHW.

“Isinasakripisyo ng mga BHWs ang sarili para sa kapwa, pero gagamitin pala sila sa isang scam,” dagdag pa niya.

Nanawagan din si Co sa DILG at DOH na linawin ang isyu at papanagutin ang nasa likod ng scam.

“Our BHWs put themselves in harm’s way against COVID-19, but instead of being treated as heroes, they are being preyed upon for their allowances,” saad pa ng mambabatas.

The post Bahagi ng allowance ng barangay health workers pinasoli first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bahagi-ng-allowance-ng-barangay-health-workers-pinasoli/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bahagi-ng-allowance-ng-barangay-health-workers-pinasoli)