Hindi nagustuhan ni Felicito Valmocina, kapitan sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City, ang isinagawang community pantry ni Angel Locsin sa kanilang barangay.

Ayon kay Valmocina, nakasama ang pagpo-post ng aktres sa social media dahil milyon-milyon ang followers nito dahilan para dumugin ang itinayong community pantry.

Saad ng barangay captain, dalawang tanod lang ang hiniling ng grupo ni Locsin sa pag-aakalang magiging maliit na community pantry lang ang ilulunsad sa kanilang lugar.

Ngunit umaga pa lang ay bumungad na ang bulto ng tao na umabot pa ng libo, nilarawan ni Valmocina na nasa dalawang kilometro ang haba ng pila.

“Naka-monitor ako alas-singko pa lang ng umaga, isang daan na. Pagkatapos, alas sais, alas syete, alas otso, nasa 2,500 na ang tao,” ayon sa barangay captain sa panayam ng Philippine News Agency.

Nang magdagdag ng mas maraming tanod si Valmocina, dito nalaman na galing pa sa iba’t ibang lugar ang mga pumunta para makakuha ng ayuda, ilan dito ay nagmula pa sa Bulacan, Maynila, Rizal at Cavite.

Bandang tanghali lang umano sinabihan ng kampo ng aktres na 300 lang ang kanilang mabibigyan.

“Nung alas dose na talagang galit na galit na ang tao, tinanong ulit sila ilan ho ba talaga. Galit na ang tao, nagmumura na. Dikit dikit na at tsaka nila sinabi na 300 lang daw ang kaya nila,” giit ni Valmocina.

“Eh alam naman nilang napakaaga pa, libo-libo na ang tao. Wala ba silang common sense man lang?:

Pinag-aaralan na ng barangay at local government unit ng Quezon City ang mga nakitang paglabag at handang magdemanda laban sa aktres.

The post Barangay captain nabanas sa pantry ni Angel: Wala ba silang common sense? first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/barangay-captain-nabanas-sa-pantry-ni-angel-wala-ba-silang-common-sense/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=barangay-captain-nabanas-sa-pantry-ni-angel-wala-ba-silang-common-sense)