Humingi ng tawad ang mga opisyal ng isang barangay sa Bulacan na naging trending sa social media kamakailan sa pagsita nila sa isang food delivery rider dahil hindi raw essential item ang lugaw.

Magugunitang pinost ng delivery rider na si Marvin Ignacio sa Facebook ang panenermon sa kanya ng babaeng tauhan ng Barangay Muzon sa San Jose Del Monte habang sinusubukan niyang mag-deliver ng lugaw sa isang residente ng Harmony Hills 1 Subdivision bandang 1:30 ng madaling-araw.

Makikita rin sa video ang ilan pang opisyal na kasama ng babae.

“Marvin, kung na-offend ka sa aking nabanggit, ako ay humihingi ng paumanhin, kasama na ‘yung may-ari ng establishment at Grab drivers,” ani Phez Raymundo, ang desk officer ng Violence Against Women and Children ng barangay na siya ring naging viral sa “hindi po essential si lugaw” statement.

“‘Yun po ay hindi intensyonal. Dahil po late na madaling araw na iyon, napagod din po ako siguro, nagkamali po ako ng pagpili ng salita na hindi po akma doon sa aking pinapaliwanag kay Marvin,” paliwanag niya pa sa isang Facebook video.

Nag-sorry rin ang government employee sa mga netizen na nanggigil sa insidente.

“Sa mga netizens, alam kong naapektuhan po kayo sa aking nabanggit. Hindi ko po gusto na ma-offend kayo. Pasensya po ulit sa lahat at sa publiko,” aniya pa.

Bukod kay Raymundo, humingi rin ng paumanhin sina Barangay Muzon chairperson Marciano Gatchalian at dalawa pang barangay worker na nandoon sa trending video.

Hindi naman binanggit ni Gatchalian kung may parusa bang ipapataw sa mga naturang tauhan ng gobyerno.

The post Barangay officer na viral sa ‘hindi essential ang lugaw’ nag-sorry first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/barangay-officer-na-viral-sa-hindi-essential-ang-lugaw-nag-sorry/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=barangay-officer-na-viral-sa-hindi-essential-ang-lugaw-nag-sorry)