Kinondena ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang P1,000 ayuda na ipinangako ng gobyerno na kulang na ay wala pa sa tamang oras ang pamimigay sa mga apektadong pamilya ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

“Ano ba naman ito? Mag-e-ECQ ng bigla-bigla kasama ng pagsasara ng mga empresa at kawalan ng trabaho at pagkain ng karamihan, tapos ang bagal naman ng ayuda,” ani Zarate.

Ayon kay Interior Undersecretary Bernardo Florece, sa Lunes magsisimulang ibigay ng Bureau of Treasury sa mga lokal na pamahalaan ang ayuda.

“Ang hirap ng ganitong sitwasyon sa mga mahihirap pinigilan ka ng magtrabaho tapos di ka naman agad tinutulungan. Bahala ka sa buhay mo kumbaga,” dagdag pa ni Zarate.

Nagsagawa rin ang Bayan Muna ng P1,000 challenge sa Commonwealth Market sa Quezon City upang malaman kung ano ang mabibili ng P1,000 at kung sasapat ito ng isang linggo.

Nakabili ang miyembro ng Bayan Muna na si Thata Alindogan ng limang kilong bigas (P200), isang litrong mantika, isang dosenang itlog (P86), manok (P320), mga gulay at panggisa (P114), saging (P40), bagoong alamang (P55), 1/4 kilo ng galunggong (P40), asin at paminta (P20) at kape (P39) na may kabuuang halagang P974.

“Hindi na nakabili ng baboy dahil P320/kg, kulang na rin ang sukli sa pamasahe,” ani Alindogan.

Aniya ang P1,000 ay kasya lamang sa tatlong araw para sa pamilya na may apat na miyembro.

Ayon sa gobyerno bibigyan ng tig-P1,000 ang bawat taong apektado ng ECQ o hanggang P4,000 bawat pamilya.

The post Bayan Muna solon: P1K ayuda kulang na, mabagal pa ibigay! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bayan-muna-solon-p1k-ayuda-kulang-na-mabagal-pa-ibigay11/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bayan-muna-solon-p1k-ayuda-kulang-na-mabagal-pa-ibigay11)