Suportado ni Senador Joel Villanueva ang panukalang magkaroon ng special session ang Kongreso para talakayin ang Bayanihan 3, ngunit mainam aniyang tutukan ang mga programa ng pamahalaan tulad ng COVID-19 vaccine rollout at mga naiwang programa sa Bayanihan 2.

“Bukas po tayo sa Bayanihan 3, pero sa tingin natin ang makakatulong sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay hindi bagong batas kundi maayos na implementasyon ng mga programa natin sa krisis na ito,” pahayag ni Villaneuva.

“Una na po ang rollout ng bakuna, at pangalawa, ang mga pagpapatupad ng mga programa sa ilalim ng Bayanihan 2,” saad pa nito.

Ayon kay Villanueva, may kabuuhang P165.6 bilyon ang inilaang pondo para sa Bayanihan 2. Aniya, kahit na ang pondong ito ay naibigay na sa mga ahensya, halos kalahati lamang o P77.5 bilyon ang obligated at halos P38 billion pa lamang ang disbursed.

“Bago sana natin pag-usapan na maglaan muli ng pondo, siguraduhin po muna natin na nagamit para sa ating mga kababayan ang pondong para sa kanila,” sabi ni Villanueva.

“Pero kung kailangang pag-usapan sa Kongreso ang mga gaps sa batas, pabor ako diyan. At kung malaman natin sa talakayan na kailangan ng legislative refill ang pondo laban sa pandemya, gawin na po natin kaagad,” paliwanag nito.

Sabi nito, pabor siya sa mungkahing magkaroon ng special session ang Senado upang balangkasin ang Bayanihan 3 dahil sa Mayo 17 pa ang balik-trabaho ng Kongreso.

“Sakali pong magpatawag ng special session, handa po tayong sumuporta dito alang-alang sa ating mga manggagawa na walang trabaho at sweldo, sa mga pamilyang walang makain, sa mga taong walang-wala,” sambit ni Villanueva.

“Ang epekto po kasi ng ‘no work, no pay’ sa mga pagawaan ay ‘no pay, no eat’ ang ating mga manggagawa. Hinihikayat po natin ang gobyerno na maging listo at alerto sa pagpapatupad ng mga programang may pondo na sa 2021 National Budget,” dagdag nito.

“Underspending is fatal. Budgetary savings will not save lives. Gastusin na po ang dapat gastusin para sa mga tamang bagay,” sabi pa ng senador mula sa lalawigan ng Bulacan. (Dindo Matining)

The post Bayanihan 2 fund gastusin, ipamahagi sa tao – Villanueva first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bayanihan-2-fund-gastusin-ipamahagi-sa-tao-villanueva/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bayanihan-2-fund-gastusin-ipamahagi-sa-tao-villanueva)