Inihain ng anim na kongresista ang panukala na magpapataw ng mabigat na parusa sa mga opisyal ng gobyerno na walang ginagawa o babagal-bagal sa pag-aksyon sa panahon ng public health emergency

Bukod sa mabigat na parusa, target ng panukalang Public Health Emergency Anti-Negligent and Corrupt Practices Act (House Bill 9230) na pabilisin ang pagsasampa ng kaso ng Ombudsman laban sa mga makupad at walang ginagawang opisyal ng gobyerno sa pamamagitan ng pagkuha ng Special Officer na tututok sa mga kaso.

“We should not only penalize acts of corruption, bribery or plunder; we must also deplore and punish inaction and acts that are manifest and imbued with intolerable negligence, irresponsibility, inefficiency and lack of vision especially during times of crisis such as this COVID-19 pandemic,” sabi ni Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva.

Bukod kay Villanueva, may-akda ng panukala sina Deputy Speakers Bienvenido Abante (Manila), Bernadette Herrera (Bagong Henerasyon), Michael Romero (1-Pacman), Quezon City Rep. Allan Benedict Reyes at CIBAC Rep. Domingo Rivera.

Kapag naisabatas, ang panukala ay magiging epektibo kapag nagdeklara ng State of Public Health Emergency.

Saklaw ng panukala ang pagkabigo na mabilisang makagawa ng tugon sa pandemya, pagpapabagal ng proseso upang makagawa ng aksyon o bumili ng mga kinakailangang gamot o bakuna, pagpapatagal sa pagpapalabas ng pondo, pagkabigo na isapubliko ang karampatang datos tungkol sa sakit, pagtanggap ng regalo o porsyento o pagkakitaan ang pandemya gamit ang posisyon sa gobyerno at mga katulad na hakbang.

Ang parusa ay lima hanggang 12 taong pagkakakulong at pagbabawal na makahawak ng posisyon sa gobyerno. Kung ang tinanggap na regalo o kita ay hindi bababa sa P1 milyon ang kabuuang halaga ang parusa ay reclusion perpetua o hanggang 30 taong pagkakakulong.

Kung hindi bababa sa P50 milyon ang kabuuang halaga, ang parusa ay kamatayan, bagamat ipinagbabawal na ito sa bansa.

Ang kinita mula sa iligal na gawain ay kukumpiskahin din ng gobyerno.

The post Bigatan parusa sa mga tamad na opisyal ngayong pandemya – mga solon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bigatan-parusa-sa-mga-tamad-na-opisyal-ngayong-pandemya-mga-solon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bigatan-parusa-sa-mga-tamad-na-opisyal-ngayong-pandemya-mga-solon)