Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), simula Lunes ng umaga ay naitala ang 158 volcanic earthquakes sa Bulkang Taal.

Kabilang anila rito ang 127 volcanic tremors na tumagal nang mula isa hanggang 14 minuto, at 31 low frequency na lindol.

Saad pa ng Phivolcs sa Abril 13 bulletin nito, may naganap ding low-level background tremor mula Abril 8 ng umaga, mahinang pagsingaw, pagbuga ng sulfur dioxide, at marahan na pamamaga ng Taal mula nang sumabog ito noong Enero 2020.

Ang Alert Level 2 ay kasalukuyan pa ring nakataas sa Taal Volcano, paalala ng ahensya.

Sa nasabing alert status, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island (TVI).

“Mariing iminumungkahi ng DOST-Phivolcs na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang permanent danger zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng main crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal,” dagdag ng Phivolcs.

The post Bulkang Taal, 158 beses nag-alburoto first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bulkang-taal-158-beses-nag-alburoto/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bulkang-taal-158-beses-nag-alburoto)