Simula Huwebes ng umaga ay nakapagtala ng 58 volcanic earthquakes sa Bulkang Taal.

Kabilang dito ang 51 volcanic tremors na tumagal nang isa hanggang tatlong minuto, isang volcano-tectonic event, at anim na low frequency volcanic earthquakes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Meron din anilang nagpapatuloy na low-level background tremor na naitala simula alas-9:05 ng umaga kahapon.

Saad pa ng Phivolcs sa Abril 9 bulletin nito, may naganap ding mahinang pagsingaw, pagbuga ng sulfur dioxide, at marahan at patuloy na pamamaga ng Taal.

Paalala ng ahensya sa madla, kasalukuyan pa ring nakataas ang Alert Level 2 sa Taal Volcano.

Sa nasabing alert status, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI.

“Mariing iminumungkahi ng DOST-Phivolcs na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang permanent danger zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal,” dagdag ng Phivolcs.

The post Bulkang Taal, 58 beses nag-alburoto first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bulkang-taal-58-beses-nag-alburoto/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bulkang-taal-58-beses-nag-alburoto)