Sa nakalipas na 24 oras, naitala ang 383 volcanic earthquakes sa Bulkang Taal.

Kabilang dito ang 238 volcanic tremors na tumagal nang isa hanggang 12 minuto, 143 low frequency na lindol, at low-level background tremor mula Abril 8 ng umaga, ayon pa sa Abril 14 bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

“Samantala, may naganap na upwelling ng mainit na volcanic fluids sa main crater kahapon ng umaga, na nagdulot ng pagsingaw na umabot ng 300 metro mula sa aktibong fumaroles sa bandang hilaga ng lawa ng main crater,” saad ng ahensya.

Nakapagtala rin anila ng marahan na pamamaga ng kalakhang Taal mula nang sumabog ito noong Enero 2020.

“Sa kabuuan, ang mga nabanggit na batayan ay maaaring nagsasaad ng patuloy na pagligalig ng magma sa di kalalimang bahagi ng bulkan,” banggit ng Phivolcs.

Pinaalalahanan din ng ahensiya ang publiko na kasalukuyan pa ring nakataas ang Alert Level 2 sa nasabing bulkan.

Nangangahulugan itong ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI.

Dahil dito, mariing iminumungkahi ng Phivolcs na “maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang permanent danger zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng main crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal.”

The post Bulkang Taal nag-alburoto nang 383 beses first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bulkang-taal-nag-alburoto-nang-383-beses/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bulkang-taal-nag-alburoto-nang-383-beses)