Pinuna ni presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion ang utos ng Department of Health (DOH) na suspendihin ang pagtuturok ng AstraZeneca vaccine sa mga edad 59 pababa.

Ayon kay Concepcion, ‘sobrang exaggerated’ ang naging desisyon ng DOH lalo’t kakaunti lang ang supply ng bakuna sa bansa.

“‘Yung UK, ang ginawa nila 30 years old and below. Sa atin dito, sobrang exaggerated. Buti ba kung marami tayong vaccine. Pakaunti-kaunti lang nga ang vaccine natin ngayon,” lahad ni Concepcion sa panayam ng DZBB.

Matatandaan na nirekumenda ng Food and Drug Administration (FDA) na limitahan ang paggamit ng naturang bakuna dahil sa nakitang side effect ukol sa blood clot at pagbaba ng platelet count.

Ngunit paniniwala ni Concepcion, iilang kaso lang ng mga naturukan ng AstraZeneca vaccine ang nagkaroon ng blood clot, at wala pang napaulat na nangyari ito sa Pilipinas.

“As of the moment, the Philippines has inoculated more than 500,000 individuals using the same vaccines. And if there are any extreme adverse effects, we should know them by now,” saad ng presidential adviser.

“Also, countries like Australia, Brazil, Mexico, Malaysia, Vietnam, Taiwan, Thailand, and many others have made no restrictions except for the UK, which restricts ages below 30,” aniya pa.

Dahil dito’y minungkahi ni Concepcion sa FDA at DOH na baguhin ang kanilang desisyon dahil kailangan ng bakuna ng age group sa ibaba ng edad 60, kung saan nandoon ang bulto ng workforce ng bansa.

The post Buti kung maraming bakuna! Awat turok sa AstraZeneca ‘exaggerated’ – Joey Concepcion first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/buti-kung-maraming-bakuna-awat-turok-sa-astrazeneca-exaggerated-joey-concepcion/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=buti-kung-maraming-bakuna-awat-turok-sa-astrazeneca-exaggerated-joey-concepcion)