Binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio dahil sa usapin ng pag-iingay sa isyu ng West Philippine Sea.

Sa kanyang regular na Talk to the People, sinabi ng Pangulo na puro lang daldal si Carpio sa pag-aakalang basta na lamang isusuko ng China ang mga inokupang teritoryo kahit pa pagsabihan ito ng United Nations.

“Ito namang si Carpio, daldal ng daldal wala namang..ano bang gusto mo? Sige ka punta doon sa.. Do you think China will obey the United Nations? I’ll ask you a question: if the United Nations will ask China to surrender because of that award given to us, ibibigay ba ng China yan? Can the United Nations compel China, and do you think China will just give it freely because of the United Nations’ demand?,” anang Pangulo.

Nananaginip aniya ng gising si Carpio kung sa inaakala niya ay ganon kadaling mabawi sa China ang mga inokupang isla sa West Philippje Sea.

Ipinaalala ni Pangulong Duterte kay Carpio na noong panahon ng Aquino administration nawala sa Pilipinas ang mga teritoryo, at ang kalihim noon ng Department of Foreign Affairs ay si Albert del Rosario.

“Yan ang hindi ko maintindihan kay Carpio, he is a dreamer. And besides , yung amo niya started the occupation . The constructive occupation happened during the Aquino administration.

There was a standoff.. ang nagpaalis sa atin ang Amerika. Ang Pilipinas nag- retreat. Ang China hindi nag-retreat. Ang pagador noon si del Rosario yan tandaan mo yan, Carpio,” dagdag ng Pangulo.

Walang kahirap-hirap aniya na naokupa ng China ang mga isla sa WPS at walang nagawa si del Rosario at ang administrasyong Aquino para bawiin ito.

Matatandaang binatikos ng kampo ni Carpio ang pananahimik ng Pangulo sa pananatili ng mahigit 200 Chinese vessels sa Julian Felipe Reef , pati na ang dalawang linggo hindi pagpapakita sa publiko ng Presidente.

The post Carpio binanatan ni Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/carpio-binanatan-ni-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=carpio-binanatan-ni-duterte)