Sinisi ni Pangulong Rodrigo Duterte sina dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario sa “pagkawala” aniya ng West Philippine Sea sa Pilipinas.

Sa kanyang Talk to the People noong Miyerkules ng gabi, isinumbat ng Pangulo kina Carpio at Del Rosario ang pagkatalo ng Pilipinas sa China matapos walang kahirap-hirap na nakuha ang Scarborough Shoal at Mischief reef noong panahon ng Aquino administration.

Si Del Rosario aniya ang nag-utos sa Coast Guard na umatras nang magkaroon ng stand-off matapos sumunod sa payo ng Amerika.

“Isang tanong lang kay Carpio pati kay Albert. Kung bright kayo, bakit nawala ang West Philippine Sea sa atin? Panahon nyo yon eh. Panahon nyo na nandiyan kayo sa puwesto. Eh kung bright kayo, bakit nawala? ” ang tanong ng Pangulo.

Nagtataka ang Presidente kung bakit walang ginawang aksiyon sina Carpio at sa halip ay hinayaang matalo sa China.

” Bakit hindi niyo sinabihan si Pnoy maggawa nito, gawa doon. Instead, nagretreat kayo. Ang naabutan ko talo na tayo. Ang China kumasa na ng husto na kanila talaga,” dagdag ng Pangulo.

Nagpadala aniya si Del Rosario sa payo ng Amerika kaya pinaatras ang mga barko ng gobyerno na naging mitsa para mawala ang ipinaglalabang mga teritoryo.

“Ikaw Albert, ikaw yung nagsabi sa Navy na ” umatras kayo” because of the Americans or you were afraid. Sa Bisaya yan nagkakak ka eh. Nawalan ka ng bayag diyan,” wika ng Pangulo.

The post Carpio, Del Rosario tinira ni Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/carpio-del-rosario-tinira-ni-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=carpio-del-rosario-tinira-ni-duterte)