Dapat sumunod sa minimum health standards ang mga nag-oorganisa ng community pantry para matiyak ang kaligtasan ng publiko laban sa COVID-19.

Ito ang panawagan ng Palasyo sa mga nagtatayo ng community pantry para masigurong hindi matamaan ng COVID-19 ang mga kumukuha ng tulong.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na suportado nila ang mga itinatayong community pantry dahil nakikita ang pagdadamayan pero dapat ding sumunod sa mga pag-iingat na ipinapairal ng gobyerno.

“Let a thousand community pantries bloom dahil ito po ay bayanihan, it exemplifies the best of the Filipino in the worst of times,” ani Roque.

Hangga’t maaari aniya ay iwasan ang pagtitipon o pagdami ng mga tao dahil walang makapagsabi kung isa sa mga ito ay may dalang virus ng COVID-19 at siyang magdala ng sakit at manghawa sa ibang tao.

“Pero sinabi din natin na kinakailangan sumunod din sa minimum health standards at kasama diyan yung prohibition sa mass gathering dahil kapag tayo ay nagkumpol-kumpulan yan po ang pinaka-sure na pamamaraan para kumalat ang COVID,” dagdag ni Roque.

Pinayuhan ng kalihm ang mga nagtatayo ng community pantry na makipag-ugnayan muna sa mga opisyal ng barangay at sa lokal na pamahalaan para maalalayan ang mga ito sa pagpapatupad ng mga pag-iingat sa kanilang ginagawang pagtulong sa mga nangangailangang kababayan.

“So ang panawagan po natin, ipatupad ang ating mga minimum health standard at lahat ng nagsisimula ng community pantry kinakailangan makipag-ugnayan sa inyong barangay at sa lokal na pamahalaan para masiguro yung social distancing, mask hugas at iwas,” wika ni Roque.

Matatandaang ang kawalan umano ng koordinasyon sa barangay ang dahilan kaya mayroong namatay sa community pantry ng aktres na si Angel Locsin.

The post Community pantry dapat sumunod sa health standard – Palasyo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/community-pantry-dapat-sumunod-sa-health-standard-palasyo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=community-pantry-dapat-sumunod-sa-health-standard-palasyo)