Nagreklamo ang isang pamilya matapos na matapyasan ang matatanggap sanang lampas P700,000 na tulong mula sa PhilHealth dahil sa pag-downgrade ng kaso ng COVID-19 sa isang pasyente.

Sa report ng ’24 Oras’, kinuwento ang pagka-admit ni Al Francis Fernando sa Ramos General Hospital matapos itong tamaan ng COVID-19.

Umabot ng tatlong linggong naka-confine si Fernando sa naturang ospital, dahilan para sumirit ang kanilang bill sa P1.3 million.

Dahil dito’y napilitan ang pamilya na iwan ang titulo ng lupa dahil sa kanilang mga utang sa ospital, ayon kay Joy, asawa ng pasyente.

Saad ni Joy, nakita sa medical abstract ng kanyang asawa na na-diagnose ng doktor na ‘COVID-19 pneumonia, critical confirmed’ si Fernando.

Ngunit binaba umano ito ng ospital sa severe case, dahilan para malaki ang mabawas sa makukuha sanang package ng pamilya mula sa PhilHealth.

Sa coverage ng PhilHealth sa mga critical COVID-19 patient, umaabot sa P786,384 ang ibibigay sa mga nagkritikal sa new coronavirus, habang P333,519 lamang para sa severe case.

Nang matanong daw ang mga tauhan ng ospital kung bakit ibinababa ang sa severe case si Al Francis, dinahilan nito na may isa silang equipment na kulang para sa critical COVID-19 coverage.

“Hindi daw po nila kayang ibigay daw po ng PhilHealth sa ospital, ‘yung critical, kasi daw po, wala daw po silang ECMO machine,” ayon kay Joy.

Ang extracorporeal membrane oxygenation machine ay isang life support para matulungan ang mga pasyente na makahinga sa kabila ng komplikasyon sa puso at baga.

Ayon naman kay PhilHealth acting senior manager for benefits Dr. Mary Antonette Remone, pasok dapat ang kaso ni Fernando sa critical coverage dahil may mga ospital na wala talagang ECMO machine.

“Kasi depende rin sa capability ng ospital. Pero Level 2 at Level 3 na merong ICU ay pwede po ‘yung ano… yung critical na COVID,” saad ni Remone.

Saad ng compliance officer ng ospital, hihintayin muna nila ang magiging resulta ng imbestigasyon ng PhilHealth bago magkomento.

The post Critical case binaba sa severe: Ospital malaki nabawas sa PhilHealth package ng COVID patient first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/critical-case-binaba-sa-severe-ospital-malaki-nabawas-sa-philhealth-package-ng-covid-patient/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=critical-case-binaba-sa-severe-ospital-malaki-nabawas-sa-philhealth-package-ng-covid-patient)