Ang pagdaragdag ng mga tent para mapalawak ang healthcare capacity ng mga ospital ay hindi sasapat sa paglutas sa dumaraming mga kaso ng COVID-19 dahil kulang pa rin ang mga medical worker na gagamot sa mga pasyente.

Sinabi ito ni Private Hospitals Association of the Philippines, Inc (PHAPi) President Dr. Jose De Grano kahapon.

Puno na rin aniya ang mga pribadong ospital sa Metro Manila, Gitnang Luzon, at Calabarzon.

“Sa National Capital Region nagpadala ang DPWH (Department of Public Works and Highways) at DOH (Department of Health) ng mga tents, pero wala pa kami niyan sa probinsya, right now, wala pa po,” banggit ni De Grano sa GTV, Abril 5.

“Medyo mahirap na ganoon kahit may physical expansion, [ang] problema natin [ay] kung sino magma-man, or sino magtatao sa expansion,” paliwanag niya pa.

Problema rin aniya ng mga pribadong ospital ang pag-aasikaso sa mga pasyente na naghihintay sa emergency room, sa kasagsagan ng pagkapuno ng mga ospital.

“Kaya medyo hirap na hirap ang hospitals, private hospitals kung saan ilalagay ang naka-waitlist na pasyente sa emergency room,” banggit pa niya.

Una nang sinabi ni DOH Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na nasa 78% hanggang 80% ang kabuuang healthcare demand sa Metro Manila, at halos 100% na aniya ang occupancy ng ICU beds sa karamihan sa mga lungsod sa nasabing rehiyon.

The post Dagdag hospital tent ‘di sapat vs. COVID surge – PHAPi first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dagdag-hospital-tent-di-sapat-vs-covid-surge-phapi/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dagdag-hospital-tent-di-sapat-vs-covid-surge-phapi)