Ayon sa Alliance of Health Workers, isa sa maaaring dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga healthcare worker na dinadapuan ng COVID-19 ay ang kakulangan ng personal protective equipment sa mga ospital.

Banggit ni AHW president Robert Mendoza, sa ulat ng TeleRadyo, bukod sa pagod na pagod na sila ay inuulit na rin umano ng maraming medical frontliners ang gamit nilang PPE.

Marami rin aniya sa mga naging coronavirus-positive na health worker ang hindi pa natatanggap ang benepisyo nila mula sa pamahalaan.

Tinanggi ito ng Department of Health.

“Wala pong shortage ng PPE sa ngayon. We can still appropriately provide to our hospitals itong mga kailangan nilang PPEs. Wala ho tayong nakikitang shortage, meron ho tayong enough stocks which we were able to stock during the last year na mga procurement natin,” sabi pa ni DOH Usec. Ma. Rosario Vergeire.

Hanggang nitong Marso 29, batay sa DOH data, 17,921 na ang bilang ng mga medical frontliner sa bansa na nagpositibo sa COVID-19, kabilang ang 141 nasawi.

The post ‘Dahil kapos na, medical frontliners inuulit ang PPE’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dahil-kapos-na-medical-frontliners-inuulit-ang-ppe/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dahil-kapos-na-medical-frontliners-inuulit-ang-ppe)