Nagsalita na si Rendell Senining, player ng ARQ Builders Lapu-Lapu City na nasangkot sa kontrobersyal na laro sa Pilipinas VisMin Super Cup.

Sa panayam kay Mikee Reyes, nilahad ni Senining kung anong nangyari sa kanilang laban kontra Siquijor Mystics, na napuno ng kuwestiyon dahil sa mga mintis na layup at free throw.

“That game was an unknown environment for me. Never in my life, I was put in that situation… I did not what to do, I was questioning myself, I was questioning the players, ‘What’s going on?'” saad ni Senining.

Aniya, unang yugto pa lang ng laban ay napansin na nila na iba ang galaw ng kanilang mga kalaban, sa first quarter ay lamang na sila ng 23-5.

“Napansin na namin na iba ‘yung body language nila… hindi ako sanay na kunwari depensa tapos they just let you drive by, parang it’s something na very unlikely and it shows disrespect sa mga taong gustong maglaro sa liga na to,” ayon sa manlalaro.

Pagpasok ng second quarter, doon na nila nakita na sadyang minimintis ng Siquijor Mystics ang kanilang tira, at doon napagdesisyunan nila Senining at kanyang mga kakampi na gantihan at ibalik sa kanilang kalaban ang ginagawang hindi pagrespeto sa laro.

“We tried to do what they did to us because we really wanted to stop the game… siguro ma-realize ng commissioner, whoever watches sa venue, na pangit talaga yung laro,” aniya pa.

Inamin din ni Senining na siya’y right handed, at ang paggamit niya ng kaliwang kamay sa free throw ay dahil sa naramdamang inis nang masaktan siya sa unsportsmanlike foul ng isang Mystics player.

“In behalf of my name, I admit na I was wrong. It would never happen again because I’ve learned my mistake. It was really unacceptable,” sambit ni Senining.

Nilinaw din niya na walang game fixing para sa Lapu-Lapu City.

“Walang game-fixing na nangyari… siguro we’re not perfect because kami dito pati mga coaches namin is bago pa sa league, bago pa naging pro, we didn’t handle it right, we handled it poorly,” aniya pa.

Suspendido si Senining sa buong season, habang ilan naman sa kanyang mga kakampi at coach ang nasuspende rin sa first round ng liga.

The post Dawit sa VisMin Cup scandal nagsalita na: Senining minintis free throw dahil sa inis first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dawit-sa-vismin-cup-scandal-nagsalita-na-senining-minintis-free-throw-dahil-sa-inis/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dawit-sa-vismin-cup-scandal-nagsalita-na-senining-minintis-free-throw-dahil-sa-inis)