Kinastigo ni Senadora Leila de Lima ang China dahil sa kahilingan nito sa Pilipinas na itigil ang kanilang maritime activity sa West Philippine Sea (WPS) na nagpapalala sa sitwasyon sa pinag-aagawang teritoryo.

“Sila ang dapat umalis sa teritoryo natin. Sila na itong nanghimasok at yumuyurak sa soberanya natin, sila na itong naninira sa kabuhayan at nang-aapi sa mga kababayan natin, sila pa itong may lakas ng loob na magbanta at baligtarin ang sitwasyon,” pahayag ni De Lima sa isang statement.

“Lumalakas ang loob nilang magsalita, gaano man kagarapal, dahil tikom ang bibig ni Duterte sa ginagawang pagkamkam ng China sa ating teritoryo. Duwag na, pro-China pa,” dagdag nito.

Sabi ni De Lima, bahagi ng Philippine delegation sa arbitration cases laban sa China sa WPS sa The Hague, noong panahon na siya pa ang Justice Secretary, ang China ang nagpapala ng sitwasyon sa WPS dahil sa patuloy nilang panghihimasok sa teritoryo ng Pilipinas na hindi man lang tinututulan ni Duterte.

Nauna nang sinabi ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Wang Wenbin na ang China ang may karapatan sa Nansha (Spratly) Islands kabilang ang Zhongye (Pag-Asa) Island at Zhongsha Islands, kasama na ang Huangyan Island (Panatag Shoal).

Subalit sabi ni De Lima, taliwas umano sa claim ng China sa WPS at batay sa landmark ruling ng Hague-based Permanent Court of Arbitration (PCA), walang legal na basehann ang China para kunin ang historic right sa ‘nine-dash line’ na WPS na hindi sinusunod ng naturang bansa.

Sa katunayan, sabi ng senador, kinilala ng arbitral award ang sovereign rights ng Pilipinas sa kanilang 200 nautical miles (NM) Exclusive Economic Zone (EEZ) sa WPS.

Muling iginiit ni De Lima na dapat tindigan ni Duterte ang panghihimasok ng China sa WPS at huwag hayaang bastusin na lang ng China ang Pilipinas.

“China continues to bully us but Duterte, being China’s famous lackey, remains unperturbed. Whatever happened to his promise to defend our sovereignty with his life? Yet again, broken and unfulfilled,” sabi ni De Lima.

“Siya na nga itong walang ginawa kundi ang magpakaduwag sa China sa halos limang taon niyang panunungkulan, siya pa itong may kapal ng mukhang sisihin ang nakaraang administrasyon sa kawalang aksyon sa pagkamkam sa ating teritoryo,” dagdag nito. (Dindo Matining)

The post De Lima sa China: Lumayas sila sa teritoryo ng ‘Pinas! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/de-lima-sa-china-lumayas-sila-sa-teritoryo-ng-pinas/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=de-lima-sa-china-lumayas-sila-sa-teritoryo-ng-pinas)