Nagbigay-pugay si Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng COVID-19 frontliners sa paggunita ng bansa sa Araw ng Kagitingan ngayong Biyernes, Abril 9, 2021.

Sa virtual taped message ng Pangulo , inihayag nito na kaisa ito sa buong sambayanan sa paggunita sa ika-79 na Araw ng Kagitingan.

Sinabi ng Presidente na ang ipinapakitang sakripisyo at dedikasyon ng lahat ng frontliners sa kanilang trabaho laban sa COVID-19 ay repleksiyon ng kabayanihan at katapangang ipinamalas ng mga Pilipinong mandirigma noon sa Bataan.

“I join the entire nation in commemorating Araw ng Kagitingan. As we continue to overcome the COVID-19 pandemic, we take a moment to honor the fortitude displayed by our selfless and dedicated frontliners whose unrelenting commitment in this fight reflects the heroism of the warriors of Bataan,” anang Pangulo.

Marapat lamang aniyang kilalanin ang lakas ng loob at dedikasyon ng lahat ng frontliners na walang pagod na humaharap sa hamon sa kabila ng peligro ng COVID-19.

Muling kinilala rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sakripisyo ng mga sundalong nakiglaban para sa kalayaan ng bayan.

Sinabi ng Presidente na ang araw na ito ay isang paalala na ano mang pinagdadaanang pagsubok ay malalampasan ng mga Pilipino.

“Today, we honor our fallen soldiers whose sacrifice became the bedrock of our resolve to uphold our most cherished liberties. May this awareness resonate among us as we strive to become worthy heirs to the nation that they fought and bled for,” dagdag ng Pangulo.

The post Dedikasyon, sakripisyo ng frontliners kinilala ni Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dedikasyon-sakripisyo-ng-frontliners-kinilala-ni-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dedikasyon-sakripisyo-ng-frontliners-kinilala-ni-duterte)