Lumabas sa mga bagong trial na hindi magagamot ng anti-parasitic drug na Ivermectin ang COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA).

Sinaad ng DOH at FDA ang pag-aaral ng anim na trial na ginawa ng Philippine COVID-19 Clinical Practice Guidelines (CPG) kung saan napag-alamang “hindi signipikanteng nabawasan” ng nasabing gamot ang tsansang mamatay ang mga pasyente na may katamtaman hanggang malubhang kaso ng coronavirus.

Hindi rin anila ito naiugnay sa alinman sa iba pang mga clinically-relevant outcome na pinag-aralan, kabilang ang klinikal na pag-unlad mula Day 6 hanggang 10, klinikal na paglala, o ang pangangailangan para sa bentilasyong mekanikal.

Sinabi rin ng dalawang ahensya na hindi todong nabawasan ng Ivermectin ang panahon ng pasyente sa ospital o ang oras ng paglutas ng mga sintomas.

Hindi rin anila malaki ang pagkakaiba ng mga Ivermectin ang mga placebo group sa bilis ng pag-discharge ng mga ito sa ospital.

“Based on the current evidence from randomized controlled trials, the DOH agrees with the COVID-19 Living CPG Reviewers and does not recommend the use of Ivermectin for the treatment of COVID-19,” saad ng mga ahensiya sa isang joint statement kahapon, Abril 5.

The post DOH, FDA: COVID-19 ‘di magagamot ng Ivermectin first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doh-fda-covid-19-di-magagamot-ng-ivermectin/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=doh-fda-covid-19-di-magagamot-ng-ivermectin)