Pinuna ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor ang Department of Health (DOH) sa pagpili umano ng dalawang mahal na gamot para tulungang gumaling ang mga pasyenteng nahawa ng COVID-19.

Ayon kay Defensor gumagastos bilyon ang gobyerno sa pagbili ng Remdesivir at Tocilizumab at ayaw ng DOH payagan na magamit ang mas murang Ivermectin.

Ang Remdesivir ay nagkakahalaga ng P28,000 kada vial, ang Tocilizumab ay $2,000 samantalang ang Ivermectin ay P35 lamang kada tableta, ayon kay Defensor.

Ang mga mahal na gamot ay tumutuyo umano sa pondo ng Philippine Health Insurance Corp., (PhilHealth) na siyang sumasagot sa gastos ng mga pasyenteng nahawa ng COVID. Mayroon din umanong mga pamilya na humuhugot ng sariling pera para lamang gumaling ang kanilang mahal sa buhay.

Punto ni Defensor pinayagan ng DOH at Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng Remdesivir kahit hindi ito inirerekomenda ng World Health Organization.

“We were part of the WHO solidarity trial and yet we do not follow their recommendations and continue to allow Remdesivir to be given to Covid-19 patients,” wika pa ni Defensor.

Pero ayaw umanong payagan ng DOH at FDA ang Ivermectin na hindi rin inirerekomenda ng WHO.

Sinabi ni Defensor na maaaring payagan ng DOH at FDA ang paggamit ng Ivermectin gaya ng ginawa nito sa Remdesivir.

“An administrative order (AO) allowing drug manufacturers to produce Ivermectin can be issued. The AO would allow them to import legally without facing arrest and confiscation of products given the current policy of the DOH and the FDA,” dagdag pa ng solon.

Naniniwala si Defensor na maraming buhay ang maililigtas ng Ivermectin nang hindi tinutuyo ang pondo ng PhilHealth.

The post DOH sinita ni Defensor sa mahal na gamot vs COVID first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doh-sinita-ni-defensor-sa-mahal-na-gamot-vs-covid/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=doh-sinita-ni-defensor-sa-mahal-na-gamot-vs-covid)