Pinabulaanan ng Department of Health (DOH) ang ulat na tinatakot umano ang mga pribadong ospital na hindi nag-e-extend ng kanilang bed capacity dahil sa kakulangan ng staff at mga pasilidad.

Sinabi ni DOH Undersecretary Rosario Vergeire sa Laging Handa press briefing na walang basehan ang pahayag ni Dr. Rene Degrano ng Private Hospitals Association of the Philippines na tinatakot sila ng gobyerno.

Ipinapaalala lamang aniya ang batas na kapag nagkaroon ng national emergency ay dapat magdagdag ng 30% capacity ang mga pagamutan mula sa kanilang orihinal na kapasidad.

“Hindi ho kami nananakot. There is no threatening part there. Nakasaad sa batas na kapag tayo ay nagkaroon ng pangangailangan, especially if there is increasing in the number of cases, private hospitals should be able to expand their capacity by as much as 30% ng kanilang orihinal na capacity for COVID,” ani Vergeire.

Unfair aniya na sabihing nananakot ang DOH dahil nasa gitna ng matinding pandemya ang bansa at ipinaalala lamang ang obligasyon ng mga pribadong ospital sa ilalim ng batas.

Nakahanda naman aniyang tumulong ang gobyerno sa mga pangangailangan pa ng mga private hospital, at patunay dito ang mga itinayong pasilidad ng Department of Public Works and Highways para matugunan ang mga pangangailangan sa mga kama sa ospital.

“Ito po ay nasa batas, we are just enforcing and implementing. Naiintindihan ho natin ang mga hospital, hindi naman ganoon kadali para mag-expand ng capacity . Kailangan mo ng health care workers, kailangan mo ng iba pang pangangailangan,” dagdag ni Vergiere.

The post DOH tinangging tinatakot mga ospital first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doh-tinangging-tinatakot-mga-ospital/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=doh-tinangging-tinatakot-mga-ospital)