Sinubukan ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na magtuloy-tuloy ang turismo kahit nilagay sa striktong lockdown ang NCR Plus bubble.

Sa panayam kay Puyat sa DZBB, sinabi nito na pagkakataon na sana ng mga hotel at tourist destination para makabawi noong Holy Week, ngunit dineklara ang enhanced community quarantine.

“Summer na nga eh dapat dito na babawi ang turismo pero dahil nagka-ECQ tapos MECQ, bawal pa ang non-essential travel labas ng NCR Plus,” ayon kay Puyat.

Pinunto ng kalihim na karamihan ng mga biyahero ay nagmumula sa NCR Plus, at malaking dagok ito sa turismo kahit pa pinapayagan ang mga turista na manggagaling sa modified general community quarantine (MGCQ) area.

Ayon kay Puyat, nagkaroon sila ng meeting kasama sina DTI Secretary Ramon Lopez at Department of Health (DOH) Technical Advisory Group member Dr. Edsel Salvana para pag-usapan na huwag sanang mahinto ang tourism industry.

Minungkahi ni Puyat kay Salvana noon na ipatupad ang ‘test before travel’ para hindi maantala ang turismo dahil aniya’y wala namang naging COVID-19 outbreak dahil sa mga turista.

“Ang maganda naman dito dahil, like Boracay bukas since October 2020, walang outbreak dahil sa tourism, kasi very strict naman yung protocol,” saad ni Puayt, at pinunto nito sumusunod mga hotel at local government unit sa mga health protocol.

“Pero ang sabi ni Dr. Salvana, ‘mahirap na kasi baka mag-spread daw’,” sambit ni Puyat.

“Binabalanse natin ang ekonomiya sa health and safety, pero pag sinabi na talaga ng mga doktor na huwag, susunod tayo.”

The post DOT: Walang COVID outbreak dahil sa turismo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dot-walang-covid-outbreak-dahil-sa-turismo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dot-walang-covid-outbreak-dahil-sa-turismo)