Dapat magpatawag si Pangulong Rodrigo Duterte ng espesyal na sesyon ng Kongreso para matalakay ang panukalang dagdag na tulong pinansiyal para sa mga naapektuhan ng pagpapalawig ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at kalapit na apat na lalawigan, ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon said Tuesday.

“Maraming intelligence fund, anti-insurgency fund. Sa akin, kailangang tumawag ng special session ang Pangulo para po matugunan ito. Mag-realign ng mga items na hindi kailangan,” pahayag ni Drilon sa panayam sa DZRH.

Kasalukuyang naka-break ang Kongreso at magpapatuloy lang ang sesyon sa Mayo 17.

“Handa kami sa Senado na bumalik sa session para pagdebatehan itong batas na magbibigay ayuda para sa ating mga kababayan. Mayroong sapat na kapangyarihan ang Kongreso na ibinigay sa Pangulo para mag-realign ng budget, doon sa Bayanihan 2,” sabi pa ni Drilon.

Nang ipatupad ang ECQ mula Marso 29 hanggang Abril 4, inaprubahan ng pangulo ang pamamahagi ng P1,000 kada indibidwal subalit hindi lalagpas ng P4,000 kada bawat pamilya.

Subalit isinantabi ng Malacanang ang posibilidad na mabigay ng dagdag ng ayuda sa mga naapektuhan ng ECQ kahit kahit na mapalawig pa ito ng isa pang linggo.

Pero giit ni Drilon, mali ang sabihing hindi bibigyan ng ayuda ang mga tao kahit na na-extend pa ang ECQ.

“Sa akin, mali iyan. Dapat bigyan ng ayuda ang ating mga kababayan dahilan sa sila ay naghihirap dahilan naman sa hindi maayos na pagpapatakbo nitong pandemic response,” ayon kay Drilon.

Binigyang diin pa nito na marami rin ang nawalan ng trabaho sa pagpapatupad muli ng lockdown sa Metro Manila at mga lalawigan ng Rizal, Laguna, Bulacan at Cavite.

“Yung Bayanihan 3 para magkaroon ng karagdagang budget para matugunan itong milyun-milyong nawalan ng trabaho,” sambit pa ni Drilon.

The post Drilon: Dagdag ECQ ayuda ikasa sa special session first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/drilon-dagdag-ecq-ayuda-ikasa-sa-special-session/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=drilon-dagdag-ecq-ayuda-ikasa-sa-special-session)