Umaksyon na si Pangulong Rodrigo Duterte sa hinaing ng publiko tungkol sa mahal na paniningil sa mga hospital tent at iba pang gastusin ng mga COVID-19 patient.

Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, pinag-utos ng Pangulo sa PhilHealth na isama sa kanilang coverage ang mga gastos ng pasyente sa RT-PCR test, pati na rin sa pag-isolate ng mga mild at kritikal na mga pasyente.

“Nagbigay ng direktiba po ang ating Presidente sa Philippine Health Insurance Corp. na kasama sa health insurance coverage ang RT PCR tests, isolation sa accredited community isolation units at hospitalization para sa mild at critical cases ng COVID-19,” saad ni Roque.

Bukod pa dito, isinama na rin ni Duterte ang mga tent na pinagtutuluyan ng mga pasyente dahil puno na ang mga pasilidad sa loob ng ospital.

‘Kaugnay nito, kung ang tents ay kasama sa in-patient care, kailangan covered ito sa kasalukuyang in-patient COVID-19 package,” ayon pa kay Roque.

Matatandaan na naungkat sa Kamara ang umano’y paniningil ng mga ospital ng P1,000 kada oras sa mga COVID-19 patient na nasa ospital tent.

Sinabi noon ng PhilHealth na hindi pa kasama sa kanilang coverage ang mga tent para sa mga tinamaan ng new coronavirus.

The post Duterte: COVID test, hospital tent dapat bayaran ng PhilHealth first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-covid-test-hospital-tent-dapat-bayaran-ng-philhealth/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-covid-test-hospital-tent-dapat-bayaran-ng-philhealth)